Mukhang nalilinya si
LJ Reyes sa mga papel na kontrabida. Naging epektibo rin kasi siyang kontrabida sa huling primetime series niyang Time of My Life na pinagbidahan ni Kris Bernal.
Ngayon, si Kylie Padilla naman ang kanyang aawayin sa The Good Daughter.
Kung nagkakasunud-sunod man ang mga kontrabida roles niya ngayon, hindi raw yun dahilan para mabahala ang aktres dahil baka tuluyan na siyang kamuhian ng mga manonood.
Ang katuwiran nga ni LJ, nang makausap namin sa press conference ng The Good Daughter noong February 7, "Naniniwala po ako na ang audience natin ngayon ay mature na.
"Kasi naririnig ko dati kapag kontrabida ka, binabato ka ng itlog, kamatis.
"Ngayon naman po, wala namang ganoon.
"Lalo na ngayon, ang bilis-bilis nating nakukuha ang feedback ng mga audience.
"May Twitter, may Facebook, kung anu-ano.
"So, nalalaman mo na ang mature na talaga ng audience ngayon.
"Kapag nagsabi sila na naiinis ako, halimbawa rito kay Frances [character na ginagampanan niya sa The Good Daughter], nagagalit sila sa character, pero hindi kay LJ.
"Ganoon silang mag-comment."
Gaano siya kasama ngayon sa The Good Daughter kumpara sa karakter niya sa Time of My Life?
"Alam n'yo rito, kasi tinatanong ko na nga si Direk, 'Hanggang saan ba? Hanggang saan ba ang sama ng ugali ko?'
"Niloloko ko siya. Pero sabi niya, sasama raw talaga ko.
"First two weeks kasi ipapakita nila na very loving ako sa family ko, pero protective ako sa kanila.
"Parang lagi akong on the defense na bawal n'yong galawin ang pamilya ko.
"Parang palagi akong nagtatanggol. Kasi ang mommy ko [Alicia Mayer], iba ang goal, e.
"So, since ako ang ate, kapag ang mommy mo palaging maraming iniisip, ikaw ang mag-i-stand in sa mga responsibilities na medyo nagkukulang siya.
"Kaya ganoon ang role ko, ateng-ate talaga. Hindi kagaya sa Time of My Life, immature."
May love-interest din daw siya sa soap—si Dion Ignacio.
Pero natatawang sabi niya, "Siya ang dyowa-dyowaan ko dito. Parang ginagamit ko lang siya."
SUPER MOM! Sa totoong buhay naman, puwede na nga raw siyang tawaging "Super Woman."
Bukod sa personal niyang inaalagaan ang anak nila ni Paulo Avelino na si Ethan Akio, may teleserye siya at bumalik si LJ sa pag-aaral sa La Salle-Taft.
Gusto daw tapusin ng aktres ang kurso niyang Economics na pansamantalang nahinto nang siya ay magbuntis.
"Hindi ko nga rin po alam kung paano. Pero siguro talagang kapag gusto [nakakaya].
"At saka, di ba, kapag nanay ka, bigla na lang nagagawa mo? Multi-tasking lahat 'to!
"At saka sa akin naman po, hindi ko naman po ito ginagawa para sa sarili ko kung hindi para na rin po kay Aki.
"At saka, sabi ko nga po sa interview, nag-aaral ako at nagwo-work ako as investment.
"Not only for myself but also for Aki... for his future."
Fourth year na raw si LJ sa Economics at nakapag-thesis na rin daw siya.
STILL WITH PAULO? Kumpara dati, napansin nga namin na mas matipid na ring sumagot ngayon si LJ pagdating kay Paulo.
Pero natatawa itong sumagot sa tanong kung sila pa rin bang dalawa ng ama ng kanyang anak.
"Ay naku, ilang beses ko na pong sinagot 'yan. Ayoko nang sagutin!
"Kasi... basta, basta yun po. Basta po, okay naman po kami," sabi niya.
Marami rin ang nakapansin na tila mas slim pa siya ngayon kesa noong wala pa siyang anak.
"Medyo busy lang po talaga ako ngayon. Nagbi-breastfeed, nagwo-work, may school.
"Kaya ang peg ko ngayon, super woman nga po. Yung puwede ako dito habang nasa kabilang lugar ako."
May panahon pa ba siya para sa kanyang sarili?
"Alam n'yo, naiisip ko talaga, gusto kong mag-out of the country or mag-isa.
"Pero ang me time ko as of now ha, yung me time ko... yung mag-spend pa rin ako ng time kay Aki.
"Siguro medyo rewarding na lang din talaga for me is yung mga pampering for myself. Massage.
"Pero yung me time pa rin na alone time, I prefer pa rin na makasama si Aki."
STILL SEXY! May isang sexy cover pictorial daw na lalabas si LJ ngayong March sa isang magazine.
Katuwiran pa niya, "Papayag naman ako, nagawa ko na 'to [before]. Sasabihin ko pa bang, 'Ay, hindi ko po kaya.'"
Malaki raw ang pasasalamat niya na kahit mommy na siya, tinanggap naman siyang muli lalo na raw ng mga Kapuso.
"Alam n'yo, sobrang thankful ako sa network. Kahit naman si Paulo, thankful kami.
"Kahit naman noong umamin kami, sina Ma'am Wilma [Galvante], sobrang supportive sa amin.
"Siguro yun din fact na alam nilang ginagawa namin ang best namin.
"Kapag may character, e, nag-e-effort talaga kami kapag binigyan kami ng show.
"Siguro yun din yun kaya hindi nila kami pinapabayaan. Kasi alam nilang nagtatrabaho kami nang mabuti," saad ni LJ. -
Rose Garcia, PEP