Kapansin-pansing mas payat si
Alden Richards nang humarap siya sa media para sa press conference nitong Miyerkules, February 22, kaugnay ng international release ng The Road.
Hindi itinanggi ni Alden na ang kalalabas lang na sexy billboard pictorial niya para sa Folden & Hung and dahilan ng kanyang pagpapapayat.
"During the pictorial po kasi at saka mine-maintain ko na rin po.
"Ayoko na rin pong bumalik sa dating katawan na medyo chubby po.
"Kaya tuluy-tuloy ko na lang po ang fitness ko po," sabi ng young actor.
Magpapaalam na ba siya sa pagiging tween star at magpapaseksi na siya?
"Hindi ko nga po alam," nakangiti niyang sabi.
Bakit siya nag-decide na mag-pose na naka-topless samantalang tanggap naman siya sa pagiging wholesome?
Ayon kay Alden, "Sa pictorial po kasi, nagkaroon po ng deal ang Folded & Hung.
"Na sabi nila sa akin, 'Bibigyan ka namin ng billboard, pero dapat mag-topless ka.'
"Parang ganoon po ang naging deal. Pinag-isipan ko po yun nang matagal.
"Before ako na nag-sign up, napag-usapan na po yun."
Bakit siya nag-decide na mag-topless magkaroon lang ng billboard?
"Kasi po, it's time na rin po kasi sa akin dahil 20 na rin po ako.
"Pagdating sa pagiging tween, masyado na rin po akong matanda.
"So, parang sinubukan ko lang po kung ano ang magiging effect ng billboard at naging okay naman po.
"Like sa sarili ko, nag-start po akong mag-gym. Gumanda naman po ang katawan, naging fit.
"Kaya happy po ako na nagawa ko ang billboard at wala naman po akong pinagsisisihan."
Sa palagay ba niya ay hindi pa rin mawawala ang wholesome image niya dahil sa billboard na ginawa?
"Siguro po hindi naman. At saka billboard lang naman po siya. For summer lang naman po."
Papunta na kaya ang desisyon niyang yun sa pagiging mas daring na niya?
"Kung sakali at may mga chances naman po na ganoon, open naman po ako magpa-sexy.
"Dapat hindi po ako maging choosy sa role kasi blessing po yun saka project.
"So, kung maganda po ang script at require ang pagpapa-sexy, okay lang po sa akin."
GOING INTERNATIONAL. Pero kung may nakakapagpasaya raw kay Alden ngayon, ito ay ang hindi raw niya inaakalang mangyayari sa pelikulang ginawa niya sa GMA Films noong 2011, ang The Road.
Bukod sa ipapalabas ito sa U.S. at Canada, partikular sa Los Angeles, isa rin si Alden sa nasorpresa sa announcement ng direktor nila na si Direk Yam Laranas kahapon na in competition din ang The Road sa Brussels International Fantastic Festival, na itinuturing na isa sa pinakamalaking festival para sa mga horror, thriller, at science-fiction films.
Ayon pa rin kay Direk Yam, kasali ang The Road sa 8th Fantaspoa - International Fantastic Film Festival of Porto Alegre, Brazil.
Sabi nga ni Alden, "Hindi pa rin... parang kung iisipin po talaga natin, parang mahirap paniwalaan.
"Na sa tinagal-tagal ng industriya ng showbiz sa paggawa ng pelikula, parang first time po na magkaroon ng international Filipino film na ipapalabas pa siya sa mga mainstream cinemas sa U.S.
"Na dito sa atin, parang SM, Robinson... as in mainstream talaga na pupuntahan siya for international screening.
"Masayang-masaya po ako na naging parte ng film.
"Masayang-masaya rin po ako na binigyan ako ng chance ng GMA na mabigay sa akin ang project na ito.
"At excited po ako sa mga susunod pa pong mangyayari."
Kung sakaling makakapunta raw siya sa premiere ng movie sa US, magsisilbing unang biyahe ni Alden yun sa ibang bansa.
"Pinagmamadali po nila akong kumuha ng passport.
"Kaya if ever po, first out of the country ko po 'to.
"Excited po ako. Super!
"So, excited po akong talaga kung sakaling matuloy."
DATE WITH ALDEN. Last Valentine's Day naman, nag-trending si Alden sa Twitter dahil sa gimmick niyang "Date With Alden Richards."
May sampu raw siyang napili, pero anim lang ang nakarating.
"Yung apat po kasi, malayo. Kailangan by plane pa po. Pero natuloy po ang date.
"Nakakatuwa kasi sineryoso po talaga ng mga fans," sabi ng young actor.
Saan sila nag-date?
"Noong February 16 na po. Kasi noong Valentine's Day po, nag-live chat po ako, doon ko po ini-announce.
"'Tapos noong 16, nag-date po kami ng mga girls sa Centerstage po. Nag-videoke po kami."
Naging masaya ba siya sa naturang date?
"Opo, kasi ibang experience po at bihira ko lang din pong makasama ang mga fans sa ganoon.
"After po ng date, nagkaroon po ng parang game sa Showbiz Central.
"Hinati sila sa tatlo at doon po ako pumili ng isa.
"Bale kahapon po nangyari yung one-on-one date, sa Taguig naman po. Sa The Fort."
MY BELOVED. Ipinagmamalaki rin ni Alden sa kanyang bagong primetime series na My Beloved, kunsaan siya ang gumaganap na kapatid ni Dingdong Dantes.
"Ang taas po ng rating. Sobrang natuwa po ang mga bossing natin.
"'Tapos, medyo natutuwa rin po ako dahil parang nag-iba na rin po ang role ko ngayon kesa do'n sa dating Alden sa Alakdana.
"Parang mas serious po. Mas maraming puwedeng magawa.
"Happy naman ako dahil kahit paano, may pumupuri naman kahit paano po.
"So, okay naman po." By
Rose Garcia, PEP